Roxas, iginiit na walang kinalaman ang LP sa pag-'boo' umano kay Binay sa Cebu
Itinanggi ni administration presidential candidate Mar Roxas ang alegasyon na pakana ng partido niyang Liberal Party (LP) ang umano'y pag-"boo" sa kapwa kandidato na si Vice President Jejomar Binay sa Sinulog Festival sa Cebu City nitong Linggo.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Martes, ipinagtaka ni Roxas kung bakit ang LP ang laging pinagbibitangan umano ng kampo ni Binay kapag may hindi magandang nangyari sa pangalawang pangulo.
“Hindi mo sasagutin ang mga katanungan kung saan napupunta ang pera ng Makati. Hindi mo sasagutin ang mga katanungan kung bakit sobrang mahal ng mga building na ipanatupad. Tapos, kung magagalit ang tao sa iyo, paano naging kasalanan ng LP iyon?” tanong ni Roxas.
Matapos ang umano'y pag-"boo" kay Binay nang dumalo ito sa nabanggit na kapistahan, sinabi ng tagapagsalita ng bise presidente na si Joey Salgado, na may natanggap silang impormasyon na ang mga lokal na kasapi ng LP ang nasa likod ng nasabing insidente.
Pero ang running mate ni Binay na si Senador Gringo Honasan at kasama sa Sinulog Festival, sinabing wala namang nangyaring pambu-"boo" sa naturang selebrasyon.
“I was there. I’m assuming that the booing happened when we were together there. Hindi ko naman narinig o naramdaman iyon. In fact, the reception was quite warm,” anang senador. — FRJ, GMA News