2 babaeng estudyante, hinoldap sa jeep; 3 suspek, nasakote
Naaresto sa follow-up operation ng mga pulis-Maynila ang tatlong lalaki na umano'y nangholdap sa magkapatid na babaeng menor de edad sa loob ng isang pampasaherong jeepney sa Tondo nitong Martes ng gabi.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News Balitanghali nitong Miyerkules, sinabing pauwi na mula sa eskwelahan ang magkapatid nang holdapin sila ng mga lalaki.
Wala umanong ibang pasahero sa jeepney nang biglang sumampa ang mga suspek na armado ng patalim.
Sapilitang kinuha ng mga suspek ang bag ng mga biktima pati na ang mga pera at gadgets.
Matapos ang insidente, kaagad na nagsumbong ang dalawa sa malapit na police station.
Sa tulong ng mga tauhan ng barangay, nadakip ang mga suspek na sina Arnold dela Rosa, Ernesto Inocida at Alix Villanuevana, na pawang nakatira sa isang gusali sa Road-10.
Positibong kinilala ng mga biktima ang mga suspek.
Inamin naman ni Inocida ang krimen na nagawa lang daw niya dahil sa mahigpit na pangangailangan.
Itinanggi naman nina Dela Rosa at Villanueva na may kinalaman sa nangyari sa magkapatid.
Nahaharap ang tatlo sa kasong robbery. -- FRJ, GMA News