ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Sa gitna ng selebrasyon

Groom, nasawi sa araw ng kaniyang kasal dahil sa hinalang tama ng ligaw na bala


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Maagang nabiyuda ang isang babaeng bagong kasal nang masawi ang kaniyang groom dahil sa hinala na aksidente itong tinamaan ng bala ng baril sa gitna ng selebrasyon ng kanilang pag-iisang dibdib sa India.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing naganap ang insidente sa Uttar Pradesh noong Miyerkules ng gabi na ikinasawi ng biktimang bagong kasal na kinilalang si Amit Rastogi, 28-anyos.

"He was hit by a bullet in the head apparently fired by someone from the marriage party but we are looking at other angles, including murder," saad sa AFP ni Uma Shankar Singh, the investigating officer sa Sitapur district.

Sakay umano ng kabayo ang lalaking biktima at bumagsak dahil sa tinamong tama ng bala. Isinugod siya sa ospital pero binawian din ng buhay.

Bagaman ipinagbabawal umano sa India ang celebratory firing , karaniwan pa rin daw itong ginagawa sa ilang lugar.

Nitong nakaraang Lunes, isang 14-anyos na lalaki ang nasawi rin matapos tamaan ng ligaw na bala mula sa celebratory firing sa isang kasal sa kalapit na Baghpat district sa Uttar Pradesh.

Nasawi rin ang isang walong-taong-gulang na lalaki na tinamaan din ng ligaw na bala mula sa mga nagpaputok ng baril sa selebrasyon ng isang partido pulitikal sa Shamli district. -- FRJ, GMA News