ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

EO para sa dagdag na sahod ng gov’t workers, pirmado na ni PNoy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinirmahan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang executive order para sa dagdag na sahod ng mga manggagawa ng gobyerno, kabilang ang mga nasa tinatawag na "uniformed services," ayon sa pahayag ng Malacañang nitong Biyernes.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na inaprubahan ng Pangulo ang EO pagdating na pagdating  nito mula sa ASEAN-US Summit sa Estados Unidos.

"The EO provides for the implementation of the first of the four tranches provided for in the proposed [Salary Standardization Law of 2015] or SSL 4 that has not been enacted by Congress," ayon kay Coloma sa isang pahayag.

"Authority to implement the first tranche is given in RA 10717 (or the 2016 General Appropriations Act) which provides a budget of P57.9 billion," dagdag niya.

Batay sa EO, tataasan ang sahod ng lahat ng mga opisyal at mga empleyado ng gobyerno sa 2016.

Matatandaang ipinasa kapwa ng Senado at Kamara ang panukalang SSL 4, ngunit  sumabit ito sa bicameral conference committee.

Iginiit ng Senado ang "indexing" ng mga pensyon ng mga retiradong militar at pulis sa pagpapatupad ng dagdag na sahod, gaya ng sa mga empleyado na aktibo pa sa serbisyo.

Ang "indexing" ay ang pagbabatay ng umento sa kasalukuyang halaga ng mga bilihin at serbisyo.

Sa ilalim ng panukalang SSL 4, ipatutupad ang salary hike sa apat na hati (o tranches) simula January 1, 2016 hanggang sa January 1, 2019.

Ngunit ang EO ay patungkol lamang sa "first tranche salary hikes sa 2016" dahil ito lamang ang mapapaloob sa alokasyon ng  2016 national budget. — LBG, GMA News