ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Hikahos sa buhay ang pamilya

Batang nagbihis pulis, binawi ang pahayag tungkol sa pulis at MMDA enforcer


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Batang nagbihis pulis, binawi ang pahayag tungkol sa pulis at MMDA enforcer
Binawi na ng 12-anyos na batang nagbihis pulis at inireklamo ng ilang tsuper na nangongotong sa kanila ang nauna nitong sinabi na isang pulis at tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang nakikinabang sa nakokolekta niyang pera.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing binawi ng bata ang kuwento tungkol sa pulis at MMDA enforcer nang makausap nito ang kaniyang mga magulang.

"Mga kaibigan daw po niya 'yon. Tinanong ko siya, 'ano yung sinasabi mo na nag-uutos sa iyo na manghingi?' Sabi niya wala, sarili ko lang po para kumain, 'pambili ng pagkain niya pag nasa labas siya," ayon sa ina ng bata.

Hindi naniniwala ang mga magulang ng bata na naging kolektor ang kanilang anak sa kalsada.

Ang ama ng bata, humingi ng paumanhin sa mga pangalang nabanggit ng kaniyang anak.

Sakabila nito, itutuloy daw ng Pasay police ang imbestigasyon at sisilipin ang mga closed circuit television camera sa Edsa Rotonda kung saan pumupuwesto bata para malaman kung totoong ginamit sa pangongotong ang bata.

Hikahos sa buhay

Samantala, kasama ang Taguig police ay pinuntahan ng GMA News ang tirahan ng mga magulang ng bata sa PNR site sa Western, Taguig.

Matapos ang pagdaan sa baku-bako at makikipot na eskinita, narating ang barung-barong na tinutuluyan ng mga magulang ng bata at kaniyang tatlo pang kapatid.

Butas ang bubungan ng barung-barong na gawa sa pinagtagpi-tagping semento't kahoy, na may sukat na 'di hihigit sampung metro kwadrado.

Noong Enero raw huling umuwi ang bata sa bahay na nasa Grade 1 para lumahok sa "United Nations Day" sa eskwelahan. Pagkatapos nito ay lumiban na sa pag-aaral at umalis na sa kanilang tirahan.

Ayon sa ina ng bata, "Nakakain naman po siya rito kahit papaano. Tapos pinag-aaral naman kahit papaano, parang naghanap talaga siya sa labas, masaya raw."

Dahil sa nangyari, nakapagpasiya ang mga magulang ng bata na iuwi siya sa probinsya kapag pinayagan na ng DSWD.

Nagbabakasakali silang magbago ang takbo ng buhay ng bata sa probinsiya at maituloy nito nang maayos ang pag-aaral.

Ang kuya ng bata at dalawa pa niyang nakababatang kapatid na mga babae, umaasang uuwi na sa lalong madaling panahon ang kanilang kapatid. -- FRJ, GMA News