ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang kabataan, nahuli-cam na nambabato sa C-5 Road


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakunan ng isang netizen ang ilang kabataan na nakaistambay sa service road ng C-5 sa Taguig na hinihinalang nambabato sa mga dumadaang sasakyan sa lugar.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News 24 Oras nitong Sabado, sinabi ng netizen na si Rex Manalo na kinunan niya ng video ang mga kabataan matapos niyang maalala ang mga reklamo noon na nai-post sa social media tungkol sa mga insidente ng pambabato sa C-5.

Sa video, makikita pa ang isang kabataan na bumuwelo muna bago bumato patungo sa direksyon ng mga dumadaang sasakyan.

"Naalala ko yung maraming nagpost ng reklamo sa Facebook tungkol sa pamamato sa area, binidyuhan (video) ko. Lalapitan ko pa sana ang mga bata pero nag-alisan na sila," kuwento ni Manalo sa panayam sa telepono.

Ayon naman sa Metro Manila Development Authority, wala silang natatanggap na reklamo ng pambabato mula sa naturang lugar.

Wala rin daw silang closed circuit television camera sa lugar.

Sinusubukan naman ng GMA News na makuha ang panig ng Traffic Management Office ng Taguig.

Dati nang nag-viral larawan na insidente umano ng pambabato sa mga sasakyan sa C-5.

Sa post ni Alvin Reiko Binag, makikita ang nabasag na windshield ng sasakyan nila matapos daw na batuhin ng isang lalaki ng malaking tipak ng semento.

Ayon sa Taguig police, mga palaboy na menor de edad o mga nag-iinumang lalaki ang karaniwang suspek sa mga insidente ng pamamato sa lugar. -- FRJ, GMA News