ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Nobyo, 'person of interest'

Babaeng assistant manager ng isang kilalang casino, pinatay sa sakal


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi na naisalba sa ospital ang buhay ng babaeng assistant manager ng isang kilalang casino sa Paranaque City na pinaniniwalaang namatay dahil sa sakal.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing nakasaad sa death certificate ng biktimang si Edgel Joy Durolfo, na asphyxia by manual strangulation o pananakal ang ikinamatay nito.

Ayon sa Paranaque police, may mga pasa at walang malay umano si Durolfo nang isugod sa San Juan de Dios hospital nitong Biyernes ng madaling araw.

Pero binawian din siya ng buhay makalipas ang halos 10 oras sa ospital.

Sabi pa ng pulisya, itinuturing "person of interest" ang fiancé ng biktima na si Rodney Ynchausti.

Si Ynchausti  umano ang nagdala kay Durolfo sa ospital at tumawag sa magulang ng biktima.

Si Durolfo ay assistant manager para sa VIP Premium Services ng Solaire resort and Casino.

Ayon sa pulisya, may kuha ang closed circuit television camera ng hotel kung saan makikita na walang malay ang biktima na kasama si Ynchausti.

Tatlong iba pa ang kasama raw ni Ynchausti na kinilalang sina Paul Egoc, Molo Hwang at Josibelle Lim Uy.

Nakikipagtulungan na ang pamunuan ng hotel sa imbestigasyon ng kaso at nagpaabot na rin sila ng tulong sa pamilya ng biktima.

Nananawagan naman ang pamilya ni Durolfo kay Ynchausti na lumutang na at ipaliwanag kung ano ang nangyari sa kasintahan.

Ayon sa pamilya, dalawang beses na raw itong nagsabing magpapakita sa kanila pero hindi nangyayari.

Nakiusap din ang pamilya na itigil ang pagkalat ng kung ano-ano umanong espekulasyon sa nangyari sa biktima lalo na sa social media. -- FRJ, GMA News