ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

‘Internet repairman,’ suspek sa pag-atake sa mag-ina sa Laguna


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Itinuturing na ng mga awtoridad na suspek ang isang Internet repairman sa pag-atake sa mag-ina sa Santa Rosa Laguna, na ikinamatay ng isang taong-gulang na anak ng biktima.

Ayon sa ulat ng Unang Balita, sinabi ni Saleema Refran na nakuha ng GMA News ang palitan ng text messages ng inang biktima at ng kanyang kapatid bago mangyari ang insidente.

Sa text message, sinabi ng inang biktima na masama umano ang kutob niya sa lalaking nagpunta sa kanilang bahay upang i-repair ang kanilang Internet connection.

Matatandaang natagpuan ang mag-ina sa kanilang bahay na wala ng malay at duguan at may pukpok ng martilyo ang kanilang mga katawan.

Kritikal pa ngayon sa ospital ang ina, ngunit pumanaw na ang kanyang isang taong-gulang na anak.

Ang suspek ay nagpakilalang isang repairman na ipinadala ng Globe Telecom para ayusin ang reklamo ng biktima sa kanilang Internet service.

Sa ulat ng News To Go nitong Biyernes, sinabi ng Globe na wala silang empleyado na kapangalan ng suspek (isang Mr. dela Cruz), at peke umano ang ID na dala nito.

Iimbestigahan din umano ng Globe kung valid ang job order na dala-dala ng suspek ng mangyari ang insidente. — LBG, GMA News