Lalaking itutumba, nagpatay-patayan para makaligtas; pero 2 niyang kasama, 'di pinalad
Nakaligtas sa kamatayan ang isang lalaki na nagtamo ng mga saksak sa katawan nang magpatay-patayan sa Navotas City nitong Huwebes ng gabi. Pero ang dalawa niyang kasama, patay at nakagapos ang mga kamay nang matagpuan ng mga awtoridad.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing nakatakas sa mga salarin kahit sugatan ang biktimang si Joel Espinosa.
Itinuro ni Espinosa sa mga awtoridad ang bahay na kinaroroonan ng dalawa pa niyang kasamahan na sina Mark Alexis Fuentes at isang alyas Ogie, na naiwan sa isang sa bahay sa barangay Tanza sa Navotas.
Nang puntahan ito ng mga pulis, nakita ang nakagapos na bangkay ng isang lalaki na may mga saksak din. Isa pang bangkay na may mga saksak din at nakagapos ang nakita sa tabi ng palaisdaan na 'di kalayuan sa bahay.
Kuwento ni Espinosa sa imbestigador, pinapunta sila sa bahay ng mga suspek na si Mario alyas Ato Mangali, Arlene alyas Madam Francisco, Lineth Caballero at Jerome.
Pagdating sa bahay, tinutukan daw sila ng baril saka iginapos, piniringan at pinagsasaksak.
Naabutan naman ng mga pulis sa katabing kuwarto sina Mangali at Francisco.
Itinanggi nila na may kinalaman sila sa krimen.
May sakit daw si Mangali at nagpunta lang sa lugar si Francisco para tulungan ang una.
Hindi raw nila alam na mangyayari sa lugar dahil may malakas na tugtog.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam nila kung may kaugnayan ang krimen sa paggamit at pagbebenta ng droga sa lugar. -- FRJ, GMA News