ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

VP Binay, may sabit sa ‘overpriced’ Makati City Hall Building 2 —COA


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nadiskubre ng isang team ng Commission on Audit  na "overpriced" ang pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2, at may pananagutan umano si Vice President Jejomar Binay, na ngayon ay kandidato sa pagkapangulo.

Naging sentro ng imbestigasyon sa Senado noon ang umano'y anomalya sa Makati City Hall Building 2, kung saan isinangkot ang pangalawang pinakamataas na lider ng bansa.

Ayon sa special COA report, "the construction of the building showed irregularities from budgeting to procurement to execution, resulting in misuse of public funds."

Dapat umanong papanagutin ang mga dating opisyal ng Makati na sangkot sa naturang proyekto.

Kabilang sa mga ito ay sina VP Binay, ang anak na si Jejomar Erwin "Junjun" Binay, at ang dating Makati vice mayor Ernesto Mercado, na kalauna'y naging whistle-blower sa umano'y anomalya, ayon sa COA auditors.

Dagdag pa ng mga awditor, dapat din papanagutin sa batas ang ilang mga opisyal ng lungsod dahil sa paglabag ng mga sumusunod na batas: Government procurement law (Republic Act 9184, Local Government Code (Republic Act 7160), State Audit Code (PD 1445) at ang batas na nagpapataw ng kaparusahan sa mga lumalabag public works contracts (PD 1759).

Kung mapapatunayang nagkasala ang mga akusado, sila ay maaaring pagmultahin, makulong, at habambuhay na pagbabawalan na magkaroon ng posisyon sa pamahalaan. Maaari rin samsamin ng gobyerno ang "ill-gotten" or nakaw na mga ari-arian at kayamanan ng mga sangkot.

Ayon sa COA special team, ang orihinal na proyekto ay dapat siyam na palapag lamang at nagkakahalaga ng P283 milyon.

Ngunit sa aktuwal na konstruksyon, ginawang  11 na palapag at "bloated" na umno ang halaga nito na umagot sa P2.28 bilyon.

Naisagawa umano ito, ayon sa COA, na walang "approved building plan" at "approved budget cost."

"Thus, the absence of PPMPs (project procurement management plans) and APPs (annual procurement plan) which should have beforehand determined the extent/size of contract scopes/packages for the Makati City Hall Building 2, resulted in the construction and implementation of the project into five phases without judicious planning and procurement," ayon sa COA report.

Pinabulaanan din ng COA ang sinabing idinaan sa "competitive public biddings" ang magkahiwalay na limang yugto ng buong proyekto na itinayo ng Hilmarc’s Construction Company at sinimulan noong 2007, sa ilalim ng termino ni VP Binay noong alkalde pa siya.

Ipinagpatuloy ang proyekto ng kanyang anak na si Junjun Binay, na pumalit bilang Makati mayor.

Dagdag pa ng COA report, ang P11.97 milyong kontrata sa architectural and engineering services ay ibinigay umano sa Mana Architecture and Interior Design, Co. sa pamamagitan ng "simulated bidding." 

Hindi rin daw kabilang sa orihinal na alokasyon ang ipinangbayad sa MANA, at wala ring kaukulang mga dokumento at impormasyon ang engineering services na nabanggit.

Direktang may pananagutan

Nang tanungin umano ng COA ang kampo ni Binay tungkol sa papel ng VP sa kontrobersyal na gusali, sinabi lamang umano ng abugado na tiningnan lamang niya ang "completeness" ng mga dokumentong pinapaaprubahan sa kanya at ang rekomendasyon ng Bids and Awards Committee.

Batay umano sa Section 2 ng Presidential Decree 1445 or the State Audit Code, sinabi ng COA na nasa balikat ni VP Binay ang responsibilidad bilang mayor ng Makati noon.

Layunin ng COA audit

Inilahad ng COA ang limang layunin ng special audit sa konstruksyon ng Makati City Hall Building 2.

Ang mga ito ay ang sumusunod:

- whether the procurement for the construction of the building is in accordance with laws, rules, and regulations;
- construction costs are reasonable; and
- contracts for architectural and engineering services and construction of the building, respectively, are legal and complied with.

Nais din umanong malaman ng audit team kung maayos na naimplementa ang proyekto batay sa plano, at kung nararapat ba (valid) ang accomplishments, kaukulang halagang ibinayad, at kung awtorisado, accurate, at suportado ng kumpletong mga dokumento ang kinahinatnan ng proyekto.

Inamin ng COA na sa panahon ng special audit ilang mga dokumento ang hindi nakuha ng grupo dahil nasuspinde na noon hanggang sa mapatalsik sa pweto si Junjun Binay at ilang mga opisyal na may kinalaman sa proyekto.

Dagdag ng COA, ang mga pumalit na opisyal "have no personal knowledge" sa mga dokumentong sa ilalim ng pangangalaga ng dating mga opisyal.

Binay kontra Ombudsman

Sumiklab ang bangayan sa pagitan ng kampo ni Binay at ng Office of the Ombudsman kaugnay sa pagpapalabas ng COA special audit report, na maaaring maging batayan sa pagsampa ng kasong graft laban kay VP Binay at ilan pang nasangkot sa anomalya.

Pinaratangan ng kampo ni Binay si  Ombudsman Conchita Carpio Morales na umano'y pinilit ang COA na maglabas ng report na walang panig ang mga inakusahang dating mga opisyal ng Makati City Hall.

Bumuwelta naman noong araw ng Linggo si Morales at sinabing ang kampo ni VP Binay umano ang nakiusap sa COA  na huwag ilabas ang special audit report bago ang halalan sa ika-9 ng darating an Mayo.

Pinabulaanan noong Lunes ng kampo ni Binay ang akusasyon ni Morales.

Samantala, nauna nang nilinaw ni Morales na walang isasampa sa korte na anumang reklamo laban sa VP hangga't hindi pa natatapos ang ternimo nito dahil sa "immunity from suit" na pribilehiyo nito.

“Because he is an impeachable officer and because of jurisprudence, even if he is alleged to have committed the offense or offenses when he was not yet impeachable, we have to defer the filing of the case until after he becomes a non-impeachable official,” pahayag ni Morales.

Kung mananalo si VP Binay sa darating presidential election, maghihintay ng anim na taon ang mga kasong dapat isampa laban sa kanya, dagdag ni Morales.

“As president, of course, he has immunity. But when he finishes his term, then we can file a case against him, if we find probable cause finally.”

Isa si VP Binay sa mga presidential candidate na nangunguna sa preelection surveys. — LBG, GMA News