ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
WATCH

Lalaking naka-uniporme ng pulis na nanampal ng rider,  'di raw talaga pulis


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakilala na ang lalaking nakita sa viral video na nakauniporme ng pulis at nanakit ng isang rider ng motorsiklo sa Maynila. Pero ang naturang lalaki na naka-uniporme ng pulis, hindi raw talaga pulis.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabi ng isang cigarette vendor na nakasaksi sa insindente na batay sa narinig niya sa palitan ng salita ng dalawang lalaki, nasagi raw ng rider ang sasakyan ng lalaking naka-unipormeng pulis na AUV.


Pero tinakbuhan daw ng rider ang AUV hanggang nagkahabulan at magpang-abot ang dalawa sa intersection ng Kalaw at Roxas Boulevard sa Maynila.

Sa video na nag-viral sa social media, makikita na sinampal ng lalaking naka-uniporme ng pulis ang rider.

Sa record ng Land Transportation Office, natukoy ang pagkakakilanlan ng may-ari ng AUV na nakapangalan sa asawa ng lalaking nakauniporme ng pulis na si Gaylord Santos.

Pinuntahan ng GMA News ang bahay ng mag-asawa pero wala sila sa nabanggit na address sa Las Piñas.

Pinuntahan din ng mga pulis ang bahay ni Santos para mag-imbestiga.

Base naman daw sa record ng PNP sa Camp Crame, walang pulis na nakasaad sa naturang pangalan.

Hinihikayat ng PNP ang rider na nasampal na lumapit sa kanila para sa paghahain ng reklamo laban sa nagkunwaring pulis. -- FRJ, GMA News

Tags: viralvideo, viral