ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Marcos, Escudero, ganundin sa VP race

Poe, Duterte statistically tied sa unang puwesto ng Pulse Asia survey


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nananatiling dikit ang labanan ng mga kandidato sa panguluhang halalan at maging sa posisyon ng pangalawang pangulo. Sa pinakabagong survey ng Pulse Asia, lumilitaw na anim na puntos lang ang agwat ng nangungunang si Sen. Grace Poe, mula sa nasa ikatlong puwesto na si dating Interior Secretary Mar Roxas.

Sa survey na ipinagawa ng ABS-CBN nitong March 8-13 na may 4,000 respondents, lumilitaw na "statistically tied" sa unang puwesto sina Poe (26 percent), at Davao City Mayor Rodrigo Duterte (25 percent).

Hindi naman nalalayo sina Vice President Jejomar Binay na may 22 percent, at may 20 percent naman si Roxas. Nakakuha naman si Senador Miriam Defensor Santiago ng 3 percent, 0.1 percent ang namayapang si OFW party-list Rep. Roy Seneres.

Mayroong margin of error na +/- 1.5 percent ang nasabing survey na may tanong na: “Kung ang darating na eleksyon sa Mayo 2016 ay gaganapin ngayon, sino po ang inyong iboboto bilang presidente ng Pilipinas? (Show sample ballot and list of candidates.)"

Sa naturang survey, lumilitaw na mayroon pang 5 percent na maaaring ligawan ng mga kandidato na nasa listahan ng "Don't know/Refused/Undecided/None."

Sina Poe (30%) at Duterte (29%) ang nanguna sa listahan ng mga respondent sa Metro Manila; si Poe (34%) ang nanguna sa Balance Luzon; si Roxas (36%) ang nanguna sa Visayas; at si Duterte (46%) ang nanguna sa Mindanao.

Dikit din sa VP race

Statistically tied din sa unahang puwesto ng vice presidential race sina Senador Ferdinand Marcos Jr., na may 25 porsiyento, at 24 porsiyento naman si Sen. Francis Escudero.

Sumunod naman si Camarines Sur Rep. Leni Robredo, na may 20 percent, at 13 percent naman ang nakuha ni Sen. Alan Peter Cayetano.

Nakakuha naman si Sen. Antonio Trillanes IV ng 6 percent, at 5 percent kay Sen. Gregorio Honasan II.

Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos na nagbigay sa kaniya ng inspirasyon ang bagong survey para magpursige lalo sa pangangampanya.

“We are happy that our message of unity resonates and is being accepted by the people. I think we are moving in the right direction," anang senador.

Nasa anim na porsiyento naman ng mga respondent ang wala pang napipiling kandidato o nasa kategorya ng "Don't know/Refused/Undecided/None." -- FRJ, GMA News

Tags: eleksyon2016