ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
NAGPAGUPIT, NAGPAKULAY NG BUHOK

Suspek sa pagpatay sa mag-ina sa Sta. Rosa, 'di raw fall guy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Iginiit ng Laguna police na hindi fall guy ang lalaking sumuko at umamin sa pagpatay sa mag-ina sa Sta Rosa, Laguna. Ang suspek, iba na ang kulay at ayos ng buhok mula sa sinasabing kuha nito sa closed-circuit-television camera bago maganap ang karumal-dumal na krimen noong Marso 2.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing positibong itinuro ng dalawang testigo ng pulisya ang sumukong suspek na si Ramoncito Galo.

Hindi sila nagbigay ng panayam pero sinabi ng pulisya na si Galo raw ang nakita ng mga saksi na nagtanong tungkol sa bahay ng mag-inang biktima na si Pearl Helen at Denzel Sta. Ana.

Iginiit din ni Supt. Reynaldo Maclang, hepe ng Sta. Rosa police, na hindi fall guy si Galo.

Nagpagupit at nagpakulay na ng buhok si Galo, na iba sa sinasabing hitsura niya nang makunan ng CCTV nang araw na patayin sa pagpalo ng martilyo ang mag-inang Sta. Ana.

Maging si Galo, sinabing hindi siya fall guy at inamin niya ang krimen.

Natakot umano siya sa kaniyang seguridad kaya siya sumuko at sinabi ang nalalaman.

Saad niya, "Kinabahan na po ako natakot kaya sumuko na lang ako nang kusa. Susuko ba naman ako kung 'di ko sasabihin ang totoo?"

Inamin din ni Galo na gumagamit siya ng iligal na droga, at kailangan daw niya ng pera kaya siya pumayag sa alok na P30,000 ng itinuturong utak sa pagpatay na si Ricardo Sta. Ana, ang padre de pamilya ng mga biktima.

Dagdag pa ni Galo, malinaw ang utos umano sa kanila ni Ricardo na palabasin na pinagnakawan ang kanilang bahay ng taong taga-Globe na magkukumpuni ng internet.

Hindi rin daw nila sinadya ng kaniyang kasabwat na maiwan ang dala nilang "job order."

"Sabi niya po palabasin namin na pinagnakawan o pinasaok ng ano (taga-)Globe. Sigurado daw kasi na makakapasok kami sa loob ng bahay kasi halos araw-araw daw nilang tinatawagan yung Globe," ani Galo.

Dagdag pa niya, "Sabi niya sa amin wag daw namin iwan yung job order. Nung natapos namin yung krimen na 'yon nataranta na po kami."

Nitong Martes, nagsagawa ng joint conference ang mga awtoridad na nag-imbestiga sa kaso kabilang ang National Bureau of Investigation para ihanda ang mga ebidensiya na gagamitin laban sa mga akusado sa pagharap sa korte.

Nauna nang itinanggi ni G. Sta Ana na siya ang nagpapatay sa kanyang mag-ina at iginiit na walang katotohanan ang mga ibinibintang sa kaniya. -- FRJ, GMA News