Picnic sa tabi ng ilog, nauwi sa trahediya; 3 magpipinsan, nalunod
Nauwi sa malagim na trahedya ang masaya sanang picnic at pagse-selfie ng ilang kabataan sa tabi ng isang ilog sa Pangasinan. Tatlo sa kanila, nalunod nang maligo sa ilog matapos makapag-upload ng larawan sa Facebook.
Sa ulat ni Jette Arcellana ng GMA-Dagupan sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing hapon nitong Martes nang mag-picnic ang grupo ng mga kabataan sa gilid ng Agno river sa barangay Carungay sa Bayambang, Pangasinan.
Matapos mag-selfie at makapag-upload ng larawan sa Facebook, nakatuwaan ng grupo na magtampisaw sa ilog at nangyari na ang trahediya nang tangayin sila ng malakas na agos ng tubig.
Nailigtas ang dalawa pero nasawi ang magpipinsan na sina Kyla at Kenneth Bautista, at Karen San Jose.
Ayon kay Claren Joy San Jose, kapatid ni Karen, nasa gilid lang daw sila ng ilog at nakahawak sa kawayan nang magkaroon ng malakas na agos at nakabitaw ang lima nilang kasama.
Nakita ang mga labi nina Kyla at Kenneth ilang oras matapos silang malunod, habang nitong Miyerkules ng umaga nakuha ang bangkay ni Karen. -- FRJ, GMA News