ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Robin Padilla, nagtungo sa Kidapawan at namahagi ng bigas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dumating sa Kidapawan City sa Cotabato nitong Sabado ang aktor na si Robin Padilla para makisimpatya sa mga magsasaka na naapektuhan sa karahasang naganap nang buwagin ng mga awtoridad ang hanay ng mga nagpoprotesta.

Kasama ni Padilla si Bayan Muna party-list representative Neri Colmenares, na nagtungo sa Spottswood Methodist Center kung saan tumutuloy ang ilang magsasaka.

"Mga mahal kong kababayan ako po ay nandito dahil hindi ako pulitiko. Tandaan niyo 'yan, kahit kailan hindi ako papasok sa pulitika. Hindi ako nandito... hindi ako humihingi ng boto. Nandito ako dahil Pilipino ako. Yung mga nangyayari sa inyo hindi 'yan dapat nangyayari sa Pilipino. Ang batas, dapat ang pinapanigan nyan ang mga naaapi," pahayag ni Padilla sa mga tao.

 

watch: Robin Padilla's solidarity message to the thousands of farmers in Kidapawan #BigasHindiBala

Posted by Anakbayan on Saturday, April 2, 2016

 

Nangako si Padilla na dadalhin niya sa Maynila ang karaingan ng mga magsasaka.
"Itong boses ko aalingawngaw to... papaalingawngawin ko ito sa Maynila," saad niya.

Nagtungo rin ang aktor sa Kidapawan Mega Market at personal na bumili ng 200 sako ng bigas na ipinamigay niya sa mga magsasaka.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, nasa 15,000 sako ng bigay ang kailangan ng mga nagpoprotestang magsasaka para makaraos sa nararanasang matinding tagtuyot.

Ang panawagan sa suportang bigas mula sa pamahalaan ang dahilan umano kaya nagtungo ang may 5,000 magsasaka at hinarangan ang highway na nagdudugtong sa Cotabato, Davao, at ilan pang lalawigan.

Pagkaraan ng tatlong araw na protesta, binuwag ng pulisya ang kanilang hanay nitong Biyernes pero nauwi sa karahasan. Nasa tatlong magsasaka umano ang nasawi at mahigit 200 ang nasugatan kasama na ang nasa hanay ng pulisya.

Dalawa sa mga nasugatang pulis ang kritikal ang kalagayan.

Nanawagan naman ang Palasyo sa publiko na hintayin ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring karahasan.

"Alamin natin talaga anong nangyari. Sino o ano o paano umabot sa ganitong situation. Sino ang nagkulang ano man ang kanilang panig?" pahayag ni Presidential Communications Undersecretary Manuel Quezon III sa panayam ng dzRB radio.

"Kailangan natin malaman ang katotohanan at doon lang tayo magkakaroon ng hustisya," dagdag niya. -- FRJ, GMA News