ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bangkay ng 20-anyos na babae, isinilid sa kahon sa Cebu


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Natagpuang nakasilid sa kahon ang bangkay ng 20-anyos na babae sa Lapu-lapu city, Cebu. Ang biktima, nangungupahan sa boarding house na pag-aari ng pamilya ng suspek.

Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Merrymie Caburnay.

Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Emidilio Salvador.

Nangungupahan sa boarding house na pag-aari ng pamilya ni Salvador si Caburnay sa barangay Opra, Cebu city.

Noong nakaraang Biyernes, natagpuan ang bangkay ni Caburnay sa loob ng isang kahon na iniwan sa isang bahay sa Lapu-lapu City.

Ayon sa jeepney driver na si Antonio Mulig, kinontrata siya ni Salvador noong Biyernes ng umaga para maghatid ng isang kahon mula sa boarding house papunta sa bayan ng Barili.

"Sabi nila may speakers lang na dadalhin papuntang Barili," kuwento ni Mulig.

Pero sa halip na sa Barili, iniwan daw nila ni Salvador ang kahon sa isang bahay sa Lapu-lapu city kung saan nakita ang bangkay.

Nang mabalitaan ni Mulig na bangkay ang laman ng kahon na kaniyang kinarga, kaagad niya itong ipinagbigay alam sa mga awtoridad.

Tumanggi si Salvador na magbigay ng pahayag na kasalukuyang nakadetine sa detention center ng CIDG-Region 7.

Pagnanakaw ang isa sa mga tinitingnang motibo sa krimen dahil nawawala umano ang ilang gamit ng biktima sa boarding house.

Ayon sa pulisya, inamin ni Salvador na kasama siya sa nagbuhat at nag-iwan sa bangkay ng biktima pero hindi malinaw kung siya rin ang pumatay.

Patuloy ang imbetigasyon sa nangyaring krimen at kung may iba pang kasabwat sa pagpatay sa biktima. -- FRJ, GMA News

Tags: crime