ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3 menor de edad na bininyagan sa ilog, nalunod


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nauwi sa trahediya ang pagbibinyag ng isang pastor sa tatlong kabataan sa isang ilog sa Jones, Isabela. Matapos ang seremonya, nagpunta raw sa malalim na bahagi ng ilog ang mga kabataan kaya natangay ng agos at nalunod.

Sa ulat ni Tek Ocampo sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Angela Mae Ofilada, 13-anyos; at ang magkapatid na Angelika, 13-anyos at Jericho Saturno, 10.

Ayon sa mga magulang ng mga bata, ipinagpaalam daw sa kanila ng pastor na si Ferdinand Vera Cruz ng Heritage Bible Baptist Mission,  na bibinyagan ang mga biktima.

Dahil wala namang nakikitang masama, pumayag daw ang mga magulang. Pero hindi raw sinabi sa kanila ni Vera Cruz na sa isang ilog gagawin ang binyagan.

Paliwanag ng pastor, matapos ng pagbibinyag, naghahanda siya ng pagkain at hindi niya namalayan na nagtungo sa malalim na bahagi ng ilog ang mga biktima at natangay ng malakas na agos.

Nakuha ng mga rescuer ang mga bata at dinala sa ospital pero hindi na nailigtas ang kanilang buhay.

Hinanakit pa ng mga magulang ng mga biktima, hindi kaagad sinabi sa kanila ng pastor ang nangyari.

Nang magkaharap ang pastor at ang mga magulang ng mga bata,  nangako si Vera Cruz na magbigigay ng tig-P50,000 sa bawat naulilang pamilya.

Sasagutin umano niya ang gastusin sa pagpapalibing sa mga biktima.

Handa naman daw makipag-areglo ang mga magulang ng mga bata. -- FRJ, GMA News

Tags: drowning