Dating asawa ni Alma Moreno na kandidatong gobernador, sugatan sa ambush
Nasugatan sa pananambang ang dating asawa ni Alma Moreno na si Marawi Mayor Fahad Panarigan Salic, na tumatakbong gobernador ng Lanao del Sur ngayong halalan.
Sa ulat ni dzBB reporter Sam Nielsen, sinabing tinambangan si Salic nitong Sabado ng madaling araw sa Cagayan de Oro city.
Nakasakay umano si Salic sa Ford Ranger pickup truck mula sa pakikipagpulong sa Pryce Plaza hotel, nang pagbabarilin siya ng mga nakatakas na salarin na nakasakay naman sa isang van.
Nagtamo ng tatlong tama ng bala sa pigi at balikat ang alkalde, at nasugatan naman sa bibig ang kaniyang driver.
Sa isang ulat ng regional online news portal na Mindanews, sinabing nakuha sa pinangyarihan ng ambush ang 31 basyo ng bala na hinihinalang mula sa M16 at AK 47.
Inaalam pa sa imbestigasyon kung may kinalaman sa pulitika o clan war ang pananambang sa alkalde.
Sina Salic at Moreno ay ikinasal sa isang Islamic rites sa Cebu noong 2009, at naghiwalay sila noong 2014.
Tumatakbo ngayong senador sa ilalim ng United Nationalist Alliance si Moreno, na kasalukuyang konsehal sa Paranaque.
Ang mga kalaban ni Salic sa pagka-gobernador sa lalawigan ay sina Ahmadjan Abdulcarim, Bedjoria Soraya Adiong, Pangalian Balindong, Jahlalodin Lucman at Abdulfatah Sarip.
Kinondena naman ng UNA ang ginawang pananambang kay Salic, na kanilang kandidato.
“Walang duda na ang tangkang pagpaslang kay Marawi Mayor Pre Salic ay may kaugnayan sa politika. Bagama't nagpapasalamat kami na nasa maayos nang kalagayan si mayor, patuloy pa rin kaming nananawagan sa Comelec (Commission on Elections) at PNP (Philippine National Police) na paigtingin ang seguridad ngayong papalapit na ang eleksyon,” ayon kay UNA spokesman Mon Ilagan sa pahayag. — FRJ, GMA News