ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinoy seafarer, dinukot ng mga pirata habang naglalayag sa Gulf of Guinea


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang marinong Pinoy at kasamahan niyang Egyptian ang binihag ng mga pirata matapos salakayin ng mga ito ang kanilang cargo ship habang naglalayag sa Gulf of Guinea na malapit sa Nigeria.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing sinalakay ng mga pirata ang cargo vessel na CMA CGM Turquoise, ng Dioryx Maritime Corp. sa Greece, noong Lunes habang naglalayag sa karagatan na nasa hangganan ng Lagos, Nigeria at Douala,Cameroon.

Bago nito, inatake rin ng mga pirata at dinukot ang anim na tripolante ng Turkish cargo ship na M/T Puli, ayon sa Nigerian Navy.

"This attack -- like most others off the Niger Delta -- was carried out at night and carried an element of surprise," saad sa AFP ni Dirk Steffen, mula sa Denmark-based Risk Intelligence firm.

"The crew mustered in the citadel after the attackers had boarded the ship, but two crew members -- the Filipino 2nd officer and the Egyptian electrician -- did not make it there in time and were seized by the attackers," dagdag niya sa email.

Ayon kay Steffen, director ng maritime security ng Risk Intelligence, hindi pangkaraniwan ang pag-atake ng mga pirata dahil lumilitaw na puntirya nila na kumuha ng mabibihag sa halip na agawin ang barko at kargamento nitong langis.

Nagiging piracy hotspot na umano ang Gulf of Guinea matapos makapagtala ang Risk Intelligence ng 32 pag-atake ngayong taon.

Hindi naman tinukoy sa ulat ang pagkakakilanlan ng nabihag na Pinoy. -- FRJ, GMA News