ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga magulang ng batang nalunod sa Wawa dam, hinihinalang may humatak sa kanilang anak


Isang pitong-taong-gulang na lalaki ang nalunod sa sapa sa Wawa dam sa Rodriguez, Rizal. Ang kaniyang mga magulang, naghihinala na may taong humatak sa kanilang anak pailalim ng tubig.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV's 24 Oras, ipinakita ang ilang larawan na kuha sa biktimang Prince Charles Bernado, habang kasama ang kanyang mga pinsan na naglalakad sa hanggang binti na tubig sa sapa ng dam.

Sinasabing aksidente lang daw na nakunan ang mga litrato hanggang sa mawala na ang biktima at may makitang mga talsik ng tubig na pinaniniwalaang lugar na pinaglubugan ng bata.

Sa death certificate, nakasaad na severe pediatric pneumonia ang cause of death ng biktima.

Ang mga magulang ng bata, hinihinala na may lalaking humatak sa kamay ng kanilang anak mula sa ilalim ng tubig at sadya siyang nilunod.

Sa isang larawan na ipinakita ng ama, sinabi nito na tila hirap nang maglakad ang kaniyang anak sa tubig na tila may nakahawak sa kamay nito.

Pinaghihinalaan nila ang isang lalaking nakakita sa kanilang walang malay na anak ang may kagagawan ng pagkamatay ng bata.

"Sabi niya, 'oh kaninong anak ito? Di ba kamag-anak niyo ito? Kanina pa ito nalulunod,'" kuwento ng ina ng bata tungkol sa lalaking pinaghihinalaan nilang may kinalaman sa pagkalunod ng bata.

"Pero hindi niya binuhat yung anak ko, hila-hila niya sa kwelyo, nakasubsob sa tubig," dagdag ng ina na nagsabing nasa cottage sila nang mangyari ang insidente.

Ipinakita na nila sa pulisya ang mga larawan para sa imbestigasyon.

Ayon sa barangay na nakasasakop sa Wawa dam, mula Enero ay tatlo na ang nalunod, kabilang ang isang menor de edad.

Sa ilang kaso, sinabing kapabayaan ang itinuturong dahilan.

Ayon naman sa isang dive instructor, dapat mag-ingat sa tubig gaya ng nasa Wawa dam. 

Kahit daw nasa mababaw na bahagi ng tubig, posible pa rin umanong magkaroon ng aksidente kung mapupunta ang tao sa bahagi na malakas ang agos ng tubig. -- FRJ, GMA News

Tags: drowning