3 magkakapatid, pinatay ng mga magnanakaw sa Laguna
Halos maubos ang isang pamilya sa Alaminos, Laguna matapos silang looban ng dalawang lalaki. Patay sa pamamaril ang tatlong magkakapatid, habang malubha namang nasugatan ang kanilang ina.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Martes, kinilala ang mga nagsawi na magkakapatid na sina Jasper, Ferdinand at Judith Pampolina.
Kritikal naman ang lagay ng kanilang ina na si Dina, dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo at katawan. Nabalian naman ng paa ang isa pa niyang anak na si Genneth nang tumalon sa ikalawang palapag ng kanilang bahay para makatakas.
Base sa imbestigasyon, nanonood ng telebisyon ang pamilya sa kanilang bahay sa barangay San Benito sa Alaminos noong Linggo ng gabi nang umatake ang mga salarin.
Sa unang bugso ng pamamaril, kaagad na namatay sina Ferdinand at ang bunsong kapatid na si Jasper.
Tinamaan din ng mga bala ang kanilang inang si Dina na kritikal ngayon ang lagay sa ospital. Nagawa namang makatalon ni Genneth mula sa ikalawang palapag para makatakas pero nabalian siya ng paa.
Sunod na pinasok ng mga salarin ang isang kuwarto na kinaroroonan isa pang kapatid ng mga biktima na si Judith, at pinagbabaril din hanggang mamatay.
Hindi naman sinaktan ng mga salarin ang bisita ng pamilya na si Johna Timbad, na nasa banyo nang maganap ang krimen.
Sa paunang imbestigasyon ng Alaminos police, pagnanakaw ang nakikitang motibo ng mga salarin na tumangay sa ilang gadgets ng mga biktima.
Ayon sa pulisya, nanlaban ang mag-iina sa mga salarin.
Wala raw ang padre de pamilya na si Fedelino nang mangyari ang krimen.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para makilala at mahuli ang mga salarin. -- FRJ, GMA News