Dalaga, sapilitang isinasakay daw ng lalaki sa taxi at paulit-ulit na ginahasa
Dalaga, sapilitang isinasakay daw ng lalaki sa taxi at paulit-ulit na ginahasa
Isang dalaga ang dumulog sa pulisya matapos umano siyang sapilitang isakay ng isang lalaki sa taxi at paulit-ulit na ginahasa sa loob ng sasakyan sa Quezon City.
Sa exclusive report ni Susan Enriquez sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, inilabas ng pulisya ang artist sketch ng suspek, na itinuro umano ng biktima na lumapastangan sa kaniya.
Halos wala nang buhok ang suspek, may taas na 5'6 hanggang 5'7, at nasa edad 35 hanggang 45.
Sa imbestigasyon ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit, sinabing dakong 7:00 p.m. noong Linggo nang makasabay ng dalagang biktima ang suspek sa isang pampasaherong jeep sa Luzon Avenue.
Pagbaba umano ng biktima sa tapat ng isang mall, sumabay ang suspek.
Habang nasa tabi ng kalsada, lumapit daw ang suspek sa biktimang at nagkunwaring magtatanong. Kasunod nito ay tinutukan na umano ng patalim ang biktima at isinakay sa likod ng isang puting taxi at doon inabuso habang umaandar.
Ayon kay Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng CIDU-QCPD, ipinakita nila sa biktima ang larawan ng lalaking dati nang nasangkot sa katulad na insidente at kinilala naman ng biktima.
Tinutugis na ang suspek at ang mga posibleng kasabwat nito.-- FRJ, GMA News