ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Residente ng Sulu at Basilan patuloy sa paglikas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patuloy ang paglisan ng mga residente sa Sulu dahil sa takot na maipit sa labanan ng mga sundalo at rebeldeng Muslim. Sa Basilan kung saan ang sentro ng operasyon ay ang grupong responsable sa pagpatay sa 14 na sundalo sa Tipo-tipo noong July 10, ang bilang ng mga lumikas na sibilyan ay umabot sa 11,887 o 1,791 pamilya. Sa ulat ni NDCC Executive Officer Glenn Rabonza nitong Huwebes, umabot na sa 11,682 katao o 2,722 pamilya ang lumikas mula sa 15 barangay sa Sulu. Ang mga nagsilikas ay mula sa pitong barangay sa bayan ng Indanan (1,474 pamilya/6,508 katao); limang barangay sa Parang (856 pamilya/3,854 katao) at tatlong barangay sa Maimbung (392 pamilya/1,320 katao). Idinagdag ni Rabonza na dalawang evacuation centers ang itinayo sa Indanan at tatlo sa Parang para sa mga nagsisilikas. Namahagi na rin ang NDCC ng 5,000 sako ng bigas at 25 tents mula sa provincial government ng Sulu para magamit ng mga lumikas na residente. Sa Basilan, ang mga nagsilikas ay mula sa pitong barangay sa bayan ng Al-Barka (990 pamilya/5,939 katao); dalawang barangay sa Tipo-tipo (130 pamilya/716 katao); apat na barangay sa Sumisip (358 pamilya/2,495 katao); at dalawang barangay sa Ungkaya Pukan (313 pamilya/2,737 katao). Tinatayang 3,000 sako ng bigas mula sa NDCC ang ipinadala sa mga apektadong residente ng Basilan, bukod pa sa 2,000 family packs na galing sa Social Welfare Office sa Region 9; 2,000 family packs mula sa GMA Kapuso Foundation; mga donasyon na medical supplies at iba pang pangunahing pangangailangan. - Fidel Jimenez, GMANews.TV