ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagbaril sa isang lalaki sa Pasay City, huli sa CCTV; biktima, 'di tumakbo kahit may pagkakataon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakunan sa closed-circuit-television-camera (CCTV) ang pagbaril at pagpatay sa isang lalaki sa Pasay city. Hinala ng mga awtoridad, maaaring hindi inakala ng biktima na tutuluyan siya ng salarin kaya hindi ito tumakbo habang may pagkakataon pa.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, makikita sa CCTV na nagtago muna sa likod ng van na tila naglalaro lang ang salarin na may hawak ng baril sa barangay 158, zone 17 sa Pasay.

Nang dumating ang biktima na kinilala sa pangalang Raul Plandes, lumabas ang salarin at tinutukan ng baril.

Pero kahit tinutukan na ng baril, patuloy lang sa paglalakad ang biktima na may bitbit na sako ng semento. Makikita rin sa video na ilang beses na ginalaw muna ng salarin ang baril bago niya ito naiputok.

Kahit nakabagsak na ang biktima, ilan beses pa niya itong pinaputukan bago tumakas.

Isang pulis ang humabol sa salarin pero hindi niya ito inabutan.

Isinugod naman sa ospital ang biktima at kinalaunan ay binawian ng buhay.

Sa pamamagitan ng kuha ng CCTV, kinilala ng asawa ng biktima ang salarin na sa pangalang Jepoy Sumalyas.

Nagkaroon daw ng alitan ang dalawa.

Hinala naman ng kapitan ng barangay, posibleng hindi inakala ng biktima na tutuluyan siyang barilin kaya hindi ito tumakbo palayo sa salarin, na pinaghahanap na ngayon ng pulisya. -- FRJ, GMA News