ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

WATCH: Dila ng asong shih tzu, nagupit nang ipa-groom


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nag-viral sa social media ang sinapit ng isang asong shih tzu na nagupit ang dila nang pina-groom sa isang pet center sa Parañaque City.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Sabado, sinabi ni Chiqui Zuñiga na labis siyang pagkadismaya  sa sinapit ng kaniyang kaniyang 5-month old na aso na si "Chabbie."

Hinanakit ni Zuñiga, iyon umano ang unang grooming experience ng kaniyang alaga at nauwi pa sa hindi maganda.

Sa panayam sa telepono, ikinuwento ni Zuñiga na pauwi na siya mula sa pet center nang mapansin niya na may nakalawit sa bibig ng aso.

Nang suriin niya ito, doon niya nakita ang nagupit na dila ng aso kaya bumalik sila sa pet shop para komprontahin ang nag-asikaso kay Chabbie.

Pero depensa daw sa groomer, hindi niya napansin na nagupit niya ang dila ng aso.

Tiningnan din daw ng veterinarian ng pet center ang aso at nagrekomenda ito ng antibiotics at tableta.

Tinawagan ng GMA News ang main office ng pet center sa Alabang pero tumanggi silang magbigay ng pahayag dahil nagpapatuloy daw ang imbestigasyon sa insidente.

Nag-usap na rin daw ang magkabilang kampo kaugnay sa nangyari sa aso.

Ang grupong People for the Ethical Treatment of Animals o PETA, nagpaalala sa pet center tungkol sa pag-aalaga at pag-groom sa mga alagang hayop.

Ipinaalala rin nila sa mga pet owner na may umiiral na batas na animal welfare act sakaling nais magreklamo.

Ipinatingin na rin ni Zuñiga si Chabbie sa vet hospital at inirekomendang putulin na lang nang tuluyan ang nakalawit na bahagi ng dila ng aso na nagupit.

Maayos na ang lagay ng aso at nakakain naman daw nang normal.

Payo ni Zuñiga sa mga kapwa pet owner, huwag iwan ang mga alaga kapag pina-groom para makita kung paano hina-handle ang kanilang alaga. -- FRJ, GMA News