ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Isa pang suspek sa Comelec hacking, naaresto ng NBI


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

 

Nahuli ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation noong Huwebes ang isa pang suspek sa pag-hack ng Comelec website at pagsiwalat sa internet ng personal na impormasyon ng mga botante noong Marso.

Sa ulat ni John Consulta sa News TV Live, kinilala ni NBI-Cybercrime Division executive officer Pete Lorenzo ang suspek na si Jonel de Asis, 23, isang IT expert.

Inaresto si De Asis mismo sa kanilang bahay sa Muntinlupa City.

Ayon kay Consulta, inamin ni De Asis ang pag-hack sa Comelec website.

Nais lamang umanong ipakita ng suspek ang kahinaan ng security system ng Comelec website at aksyunan ng poll body ang problema upang maprotektahan ang online data nito.

Samantala, aminado naman si Ronaldo Aguto, abugado ng  NBI Cybercrime Division, na nahirapan ang mga ahente ng NBI na masukol si De Asis.

Ayon naman kay NBI spokesman Nick Suarez, magka-edad sina De Asis at ng unang nahuling suspek na si Paul Loui Biteng, isang Information Technology graduate na nahuli rin ng NBI agents sa bahay nito sa Sampaloc sa Maynila noong nakaraang linggo.

Matapos makausap si De Asis, sinabi ni Comelec chairman Andres Bautista  na umamin ang suspek na siya ang mastermind sa hacking ng Comelec website at pagnakaw ng 340-gigabyte na data ng 55 milyong mga botante.

Sinabi rin ni Bautista na inamin ni De Asis na gusto lamang niya at mga kasamahan niya na ipakita ang kahinaan ng website ng Comelec at madali lamang umano itong i-hack.

Nasamsam mula kay De Asis ang kanyang personal computer at mobile phone.

Maliban umano kay Biteng at De Asis, pinaghahanap pa umano ng NBI ang isa pang suspek.

Nahaharap si Biteng ng mga kasong "illegal access to computer system; data interference; and misuse of devices" sa ilalim ng Republic Act 10175 or the Cybercrime Prevention Act of 2012.

Matapos mahuli si Biteng, binuksan ng netizens ang umano'y ninakaw na Comelec data at ni-repost ito online bilang isang searchable database sa isang independent site.

Kaagad namang na-deactivate ng Comelec ang ninakaw na database. —LBG, GMA News