Kaguluhan sa local political meeting dahil sa pamamaril, nahuli-cam
Kabilang isang punong barangay sa mga nasugatan matapos siyang barilin habang nasa isang pulong-politikal sa Midsalip, Zamboanga del Sur.
Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, ipinalabas ang bahagi ng kuha ng CCTV camera kung saan makikita na biglang naglabasan sa kalsada ang mga tao matapos makarinig ng mga putok ng baril.
Makikita rin ang pagdating ng isang trak at ibinaba ang isang sakay nito na may tama umano ng bala ng baril.
Sa isa pang video, makikita naman ang pagtakbo ng mga taong nasa gitna ng political meeting nang umalingawngaw ang putok ng baril.
Kinilala ang binaril na biktima na si barangay chairman Eduardo Silim.
Bukod kay Lim, tatlong iba pa ang nadamay sa pamamaril.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kaugnayan sa halalan ang nangyaring pamamaril. -- FRJ, GMA News