Shabu lab sa isang kilalang subdivision sa Alabang, nabisto; 3 Taiwanese, nadakip
Isa umanong mini shabu laboratory ang sinalakay ng mga awtoridad sa isang kilalang subdibisyon sa Alabang, Muntinlupa nitong Miyerkules. Tatlong Taiwanese ang nadakip at tinatayang mahigit 55 kilo ng iligal na droga ang nakumpiska na sinasabing may street value na P275 milyon.
Sa ulat ng GMA News, sinabing ang pagsalakay ay isinagawa ng Philippine National Police-National Capital Region nitong Miyerkules ng umaga matapos magpositibo ang isinagawa ng test buy ng kanilang asset.
Una umanong bumili ng 25 kilo ng shabu ang impormante ng pulisya sa Taiwanese na si Pong Jung sa bahay nito.
Nang magpositibo, sumalakay na ang mga awtoridad at nakakuha pa ng ibang shabu, at mga gamit at sangkap sa paggawa ng iligal na droga.
Dalawa pang Taiwanese ang nadakip na sina Chen Hu Min at Eugene Chong.
Ayon kay NCRPO Chief Joel Pagdilao, si Pong Jung ang nagsusuplay ng iligal na droga sa Metro Manila.
Taktika na umano ng ibang sindikato na mangupahan sa mga kilala at guwardiyadong subdibisyon upang hindi maging halata ang kanilang operasyon.
Nahaharap ang mga dayuhan sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — FRJ, GMA News