Cavinti mayor Oliveros na nadawit noon sa video scandal, nanuntok daw ng lalaki
Inireklamo sa Commission on Human Rights (CHR) ang alkalde ng Cavinti, Laguna na muling nahalal sa katatapos na Eleksyong 2016 dahil sa papanakit umano at pagkulong sa isang lalaking nangantiyaw sa kaniyang "manyakis" habang nasa victory parade.
Sa ulat ni Jam Sisante sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, hindi napigilan ni Maribel Blaza na maiyak habang ikinukuwento ang sinapit umano ng kaniyang mister na si Menandro sa kamay ni Cavinti mayor Milbert Oliveros.
Ayon kay Maribel, nagpunta sila ng kaniyang mister nitong Lunes sa opisina ni Oliveros upang humingi ng paumanhin sa ginawang pagsigaw ng kaniyang mister na manyakis ang alkalde habang nagsasagawa ng victory parade.
Bago ang eleksyon, nasangkot sa iskandalo si Oliveros nang kumalat ang pribadong video nito na kasama ang babae na hindi niya asawa.
Magawa raw ng kaniyang mister na kantiyawan ang alkalde dahil umano sa kalasingan nito.
Pero inakusahan daw ang kaniyang mister na siyang nasa likod din ng pagpapakalat ng video tungkol sa video scandal noong kampanya.
"Sabi po ng mister ko, wala pong nag-uutos sa akin, 'yan po'y talagang sa kalasingan ko po ay kusa ko pong nasabi 'yan," ayon kay Maribel.
Sa loob ng opisina, pinagsusuntok daw ng alkalde ang kaniyang mister.
Hindi rin umano umawat ang hepe ng Cavinti Municipal police, at ang kapitan ng barangay na naroon din sa opisina ng alkalde.
Matapos ang umano'y pananakit, ipinakulong pa raw ni Oliveros si Menandro para sa kasong direct assault.
"Ano pong kinamuwangan namin doon sa sex scandals na 'yan e kami po'y mahirap ho lang at wala po kaming kakayanang mag-ano ng ganyan," paliwanag ng ginang.
Dumulog na ang ginang sa CHR ng San Pablo, Laguna para ireklamo ang alkalde.
Sa isang text message, itinanggi ni Oliveros na binugbog niya si Menandro at iginiit na siya ang biktima dahil sa ginawang pambabastos sa kaniya.
Handa rin daw niyang harapin ang reklamong inihain laban sa kaniya sa CHR.
Sa korte na rin lang daw niya sasagutin ang reklamong isinampa niya laban kay Menandro. -- FRJ, GMA News