ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Bagong social media darling

'Badjao girl,' nais makatapos ng pag-aaral at maging guro


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa isang barong-barong sa lalawigan ng Quezon natunton ng GMA News ang 13-anyos na bagong social media darling na si Rita Gabiola, ang binansagang "Badjao Girl" ng netizens.

Sa ulat ni Lia Mañalac del Castillo sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing unang nasilayan ng netizens si Gabiola sa Facebook post ni Topher Quinto, nang kunan niya ng larawan ang dalagita habang namamalimos kasama ang kapatid sa Pahiyas Festival sa Lucban, Quezon.

Sa mga "stolen shot" ni Quinto, lumutang ang natural na ganda ni Gabiola at mistulang modelo sa tindig at postura nito kahit pa bitbit ang nakababatang kapatid sa pamamalimos.

Kaagad na sumisikat sa mga social media website ang mga larawan ng dalagita at nakatawag din ng pansin maging kay "Baste" Duterte, ang anak ni incoming president Rodrigo Duterte.

Kuwento ni Quinto, natiyempuhan lang niyang namamalimos si Gabiola habang nagpo-photo walk sila ng kanyang grupo sa Pahiyas Festival.

"Hindi ko po alam na magba-viral siya. Pero nung pinost ko sa Facebook, bigla po siyang nag-viral at ang dami pong gustong tumulong sa kanya," ayon kay Quinto.

Nang makapanayam ng GMA News sa kanilang bahay na isang barong-barong sa Quezon, sinabi ni Gabiola na hindi siya makapaniwala na sikat pala siya online.

"Hindi po ako marunong mag-internet, ipinakita lang sa'kin sa cellphone.  Sinabihan nila ako na, 'uy si Rita, artista na. ganyan lang po sinasabi nila," kuwento niya.

Pangarap raw niya na mabago ang kalagayan ng kanilang buhay, makapagtapos ng pag-aaral at maging isang guro.

"Kaya ko po gustong maging guro, gusto ko pong matulungan ang tulad ng mga kapatid kong bata. Gusto ko rin po sila mapag-aral. At sabi sa akin ng tatay ko, gusto niya kong mapag-aral kasi kami na lang po ang pag-asa naming magkakapatid," patuloy niya.

Mula nang kumalat ang larawan niya sa social media, bumuhos daw ang tulong sa kaniyang pamilya kaya lubos ang pasasalamat ng dalagita kay Quinto na kumuha at nag-post ng kanyang mga litrato.

"Masaya lang po ako at nagpapasalamat ako kay kuya Topher, ako po ang napili niya. Kaya sobra-sobrang pasasalamat ko sa kanya," ayon kay Gabiola. -- FRJ, GMA News