ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 sa 5 biktima sa Pasay rave party, namatay dahil sa ecstasy, alcohol overdose —PNP


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Drug at alcohol overdose ang lumitaw na dahilan ng pagkamatay ng dalawa sa limang dumalo sa isang rave party sa Pasay City noong May 21, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Martes.

Ang pahayag ay batay umano sa resulta ng histopathologic at toxicology results na inilabas ng PNP Crime Laboratory sa mga biktimang sina Eric Anthony Miller, 33-anyos at Ken Migawa, 18.

Ayon kay PNP Crime Laboratory director, Senior Superintendent Emmanuel Aranas, nagpositibo sina Miller at Migawa sa ecstasy, isang uri ng iligal na droga na nakumpiska ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang raid na isinagawa matapos ang nangyaring insidente.

Dagdag pa ni Aranas, nasawi ang dalawang biktima dahil sa multiple organ failure. Napinsala rin umano ang utak at puso ng mga biktima.

Bukod kina Migawa at Miller, nasawi rin sa naturang insidente sina Ariel Leal, 22; Bianca Fontejon, 18; at Lance Garcia, 32.

Tanging ang mga labi ni Leal ang hindi nasuri ang mga awtoridad dahil na rin sa kahilingan ng kaniyang pamilya.

Sa isinagawang pagdinig ng Kamara de Representantes nitong Lunes kaugnay nang nangyari sa rave party, sinabi ng kinatawan ng Dangerous Drugs Board (DDB) na apat na iligal na droga ang posibleng dahilan ng pagkamatay ng limang biktima.

Kabilang umano rito ang ecstacy, green amore, green apple at ang tinatawag na ‘fly high.’

Sinabi naman ng pulisya sa pagdinig na wala silang nakuhang sapat na ebidensiya na magpapatunay na nagkaroon ng bentahan ng iligal na droga sa rave party.

Inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency at DDB na may nagbebenta ng mga naturang party drug sa internet. — FRJ, GMA News