Sec. Ochoa at Cacdac, inakusahan ng ex-PDEA agent na protektor daw ng drug syndicates
Inakusahan ng isang dating tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sina Executive Secretary Pacquito Ochoa Jr. at ang mismong pinuno ng ahensiya na si Arturo Cacdac, na protektor umano ng illegal drug syndicates.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, sinabi ng dating PDEA agent na si Jonathan Morales, na mayroon pang mga matataas na opisyal na sangkot sa kalakaran ng iligal na droga pero hindi niya pinangalanan.
“Sa PDEA andun halos lahat ng datos ng mga personalities na involved: senador, Cabinet secretary, governor, mayor, barangay, police, NBI, PDEA, andun,” saad ni Morales sa exclusive interview ng GMA News.
Ayon kay Morales, July 2013 nang imbitahan siya ni Ochoa sa Malacañang para magpresinta ng Powerpoint presentation tungkol sa Chinese drug syndicates na target ng COPLAN Stonehunt ng PDEA.
Ipinakita ni Morales sa GMA News ang invitation letter na ipinadala umano ng tanggapan ni Ochoa.
Sinabi umano niya kay Ochoa sa naturang presentasyon na mayroong tatlong grupo ng Chinese drug syndicate na nag-o-operate sa Pilipinas.
Ang mga grupong ito ay ang Annie Co group na umaabot umano ang transakyon ng iligal na droga ng P70 bilyon; ang Sally at Nina group na nasa P36 bilyon ang transaksayon mula 2006 hanggang 2008; at ang Mark Tan group na nasa daang milyon umano ang illegal drugs transactions.
Idinagdag ni Morales na itinatago ng grupo ang kanilang iligal na gawain sa pamamagitan ng garment businesses at mga casino.
Ayon kay Morales, hindi umano kumilos si Cacdac laban sa grupo ni Tan.
“Sinabihan nila ako na tumigil din. Tumigil dito sa panggigil dito sa mga target na ito. Bakit? Kung hindi sila protektor nitong mga ito sana 2013 pa lang giba na itong grupong ito,” ani Morales.
Sa kabila ng mga alegasyon, walang ipinakitang katibayan si Morales na direktang magpapatunay ng kaniyang mga paratang laban kina Ochoa at Cacdac.
Sinibak sa PDEA
Samantala, mariing itinanggi ni Cacdac ang mga alegasyon ni Morales na natanggal sa serbisyo dahil sa pagtatanim umano ng ebidensiya laban sa inarestong Chinese.
Ayon sa pinuno ng PDEA, ang mga nakaraang operasyon ng ahensiya na nagresulta sa pagkakakumpisa ng mga droga na milyon-milyon ang halaga ay patunay na walang silang pinoprotektahang sindikato.
Dagdag pa ni Cacdac, naalis sa serbisyo si Morales dahil sa magkakaibang testimonya nito sa isinagawang operasyon.
“Nag-issue siya ng affidavit na sinabi niya siya ay inutusan na magtanim ng ebidenisya, mag-produce ng ebidensya sa alleged shabu laboratory, etc. So ngayon nung nag-hearing na yung Chinese na hinuli nila sa San Fernando, Pampanga noong wala pa ako, sinabi niya yung ebidensya itinanim lang samantalang nag-affidavit of arrest siya, sinabi niya binuy-bust niya 'yon,” paliwanag ng opisyal.
Inalis sa serbisyo si Morales noong 2013 dahil sa grave misconduct, dishonesty, and conduct prejudicial to the best interest of the service dahil sa pagbawi nito sa kaniyang testimonya sa laban sa ilang Chinese na hinihinalang sangkot sa iligal na droga.
Wala pang pahayag si Ochoa tungkol sa alegasyon ni Morales. — FRJ, GMA News