Braso at binti ng tao, nakita sa labas ng Senate compound
Natagpuan sa labas compound ng Senado sa Pasay City ang isang sako na naglalaman ng dalawang braso at dalawang binti ng tao nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa nagtitindang si Maro Samaro, naglilinis siya sa labas ng gate ng Senado dakong 5:00 a.m. nang makita niya ang sako na inakala niyang naglalaman lang ng mga basura.
Pero nang buksan niya ang sako, nagulat niya nang makita ang mga putol na bahagi ng katawan ng tao.
Batay sa paunang pagsusuri ng mga awtoridad, ilang oras pa lang na pinaslang ang biktima dahil hindi pa ito nangangamoy.
Para matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima, kinuha ang fingerprints sa putol na braso at isinumite ito sa Automated Fingerprint Identification System sa punong himpilan ng Philippine National Police sa Camp Crame, Quezon City.
Hinikayat naman ni Chief Inspector Rolando Baula ng Pasay City Police Station's Criminal Investigation Division, ang mga may nawawalang kaanak na makipag-ugnayan sa kanila.
Bumuo rin ng tracker team ang pulisya para hanapin ang iba pang bahagi ng katawan ng biktima.
Pinaniniwalaan na galing sa isang tao ang naturang mga bahagi ng katawan.
Kamakailan lang, isang binatilyo ang pinatay at isinilid sa sako at itinapon na parang basura sa Quezon City. —FRJ, GMA News