UV Express driver na nangholdap at nanggahasa raw sa 2 pasahero, nadakip
Dalawang babaeng pasahero ang hinoldap at ginahasa sa loob ng isang colorum na UV Express ng driver at kasabwat nito sa Quezon City. Ang isa sa dalawang suspek na nadakip, umaming lango sa droga nang gawin ang krimen.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News TV's Balitanghali nitong Miyerkules, sinabing hindi kaagad naawat ng mga pulis ang dalawang biktima at mga kaanak nila nang makita ang nadakip na suspek na si Wilfredo Lorenzo.
Itinuro ng mga biktima si Lorenzo na gumahasa sa kanila sa UV Express noong Biyernes ng gabi.
Sa kanilang salaysay, sinabing dakong 10:00 p.m. nang sumakay sila sa van ng suspek sa Centris sa panulukan ng Edsa at Quezon Avenue.
Bababa raw sana ang mga biktima sa Batasan Hills pero nagdeklara ng holdap si Lorenzo at isa pa niyang kasamahan.
Matapos makuha ang kanilang cellphone at iba pang gamit, halinhinan na raw silang ginahasa ng mga ito habang nasa loob ng van.
Ilang beses daw silang nagpaikot-ikot sa Caloocan bago sila ibinaba sa may Sauyo Road sa Quezon City.
Kaagad naman nakahingi ng saklolo ang mga biktima sa pulis. Sa tulong ng closed-circuit-television camera, nakunan ang sasakyan at nadakip si Lorenzo sa follow-up operation nitong Lunes habang namamasada pa umano.
Hindi naman itinanggi ni Lorenzo ang krimen at idinahilan pang naka-droga siya nang gawin ito.
Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang isa pang kasamahan nito na nakilala lang sa alyas na "Buddy."
Ang mga biktima, paulit-ulit na nanawagang na ibalik ang parusang bitay bilang hustisya sa kanilang sinapit. -- FRJ, GMA News