ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Katawan ng batang tinangay ng buwaya sa Florida, natagpuan na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Natagpuan na ang katawan ng batang lalaking tinangay ng buwaya mula sa isang Disney resort sa Orlando, Florida noong Martes ng gabi sa Amerika.

Ayon sa ulat ng Reuters,  naglalaro ang 2-anyos na biktima malapit sa lawa sa Walt Disney World Hotel kung saan nagbabakasyon ang kanilang pamilya.

Inatake at hinatak ng buwaya ang bata patungo sa tubig. Sinubukan siyang iligtas ng kanyang mga magulang, pero tuluyan nang tinangay ng buwaya ang bata.

Wala pang resulta sa awtopsiya ng bangkay. Ngunit, hinala ng mga pulis, pagkalunod ang ikinamatay ng biktima.

Mula apat hanggang pitong talampakan umano ang haba ng buwayang umatake sa bata.

Bago mahanap ang labi ng biktima, limang buwaya ang kinailangang patayin ng wildlife officials para sa paghahanap sa katawan ng bata.

Nakikiramay naman ang pamunuan ng Walt Disney World Hotel sa pamilya ng biktima.

Sa tala ng Florida Fish and Wildlife Conservation Commission, mayroong mahigit isangmilyong buwaya sa buong Florida. — LBG, GMA News