Anak ni Duterte, hinuli dahil lumabag sa anti-speeding policy
Kahit anak ni President-elect President-elect Rodrigo Duterte, at na-reelect na vice mayor ng Davao City, hindi pinalampas ng mga traffic police at hinuli matapos lumabag sa anti-speeding ordinance ng lungsod.
Sa kanyang Facebook account, nag-post si reelected vice mayor Paolo "Pulong" Duterte ng overspeeding violation ticket niya. Nagpaliwanag siya kung bakit siya nagmamadali noong oras na iyon.
Sa salitang Bisaya, sinabi niyang nahuli siya habang tumatakbo ng 57km/h, samantalang 40km/h ang speed limit sa Bangkal Street kung saan siya hinuli.
Nagmamadali umano siyang makauwi ng bahay dahil galit na ang kanayang asawa sa kanya at takot umano siya sa kanyang "kumander."
Sa comment portion ng kanyang post, sinabi niyang ngayon lang siya nahuli dahil sa overspeeding sa tanang buhay niya.
Pinuri naman si Pulong ng mga netizen dahil sa ipinakita niyang respeto sa batas. Nagbiro pa siya sa kanyang comment at sinabing bakit tila natutuwa ang netizens na nahuli siya. —LBG, GMA News