ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Call center agent na ilang araw nang nawawala, natagpuang patay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang call center agent na lalaki na tatlong araw nang nawawala ang natagpuang patay at lumulutang sa naipong tubig sa basement ng isang abandonadong gusali sa Makati.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV's QRT nitong Martes, sinabing Biyernes nang huling nakitang buhay ng pamilya ang biktimang si Lorenzo Peña, 22-anyos.

Nitong Lunes nakita ang bangkay ng bikitma na lumulutang sa naipong tubig sa basement ng abandonadong gusali sa San Lorenzo Village sa Makati city.

Sa salaysay ng anak ng caretaker ng gusali na si Regine Dioleste, dakong 9:30 p.m. noong Biyernes nang makita nito na pumasok sa gusali si Peña na tila nakainom.

Nagtago raw siya sa 2nd floor ng gusali para hindi makita ni Peña dahil nagwawala ito.

Nang naramdaman niya na wala nang tao sa lugar, lumabas siya at humingi ng tulong sa traffic enforcer ng barangay.

Nang balikan daw nila ang gusali, tanging ID na lang ni Peña ang nakita. Tinawagan daw nila ang numero na nakalagay dito at nakausap nila ang kaanak ng biktima.

Nitong Lunes lang nagtungo  sa barangay ang mga kaanak ni Peña at nang balikan nila ang lugar ay nakita nila ang bangkay nito na nakalutang sa tubig.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang insidente.

Tumanggi na munang magbigay ng panayam sa media ang pamilya ni Peña habang patuloy pa ang imbestigasyon. -- FRJ, GMA News