Mag-ama, patay sa pananambang sa Pangasinan
Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga nakatakas na salarin ang isang mag-ama sa San Jacinto, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na sina Floro Velasco, 50-anyos, at anak niyang si Jason, 23.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nagpupunla ng palay ang nakatatandang Velasco habang sakay ng kuliglig si Jason nang pagbabarilin ang mag-ama sa barangay Bolo, San Jacinto.
Hindi naman matanggap ni Aling Gloria Velasco ang sinapit ng kanyang asawa't anak, at wala raw siyang alam na kaaway ang mga ito.
Batay sa impormasyon ng mga nakasaksi, sinabi ng pulisya na dalawa ang bumaril sa mag-ama.
Tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo na pinatakbo ng isa pa nilang kasamahan.
Nakuha ng pulisya sa crime scene ang anim na basyo ng bala ng kalibre 45 na baril, at limang basyo ng bala ng 9mm na baril.
Inaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen at ang pagkakakilanlan ng mga salarin. -- FRJ, GMA News