ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Umano'y drug pusher at isang AWOL na pulis, patay sa shootout sa Caloocan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isa na namang tulak umano ng iligal na droga at isang pulis na AWOL (absent-without-leave) ang napatay ng mga awtoridad matapos manlaban sa isang operasyon na isinagawa sa Caloocan City nitong Biyernes ng gabi.

Sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News Saksi, sinabing number one sa drug watchlist ng North-Caloocan police ang napaslang na umano'y tulak na si Elmer Nicdao.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa kanilang impormante na may magaganap na bentahan ng iligal na droga sa Bagong Silang, Caloocan na isasagawa ni Nicdao.

Pero nauwi sa shootout ang operasyon at napatay si Nicdao at ang katransaksyon umano nito na si Police Officer 1 Aljen Jaquines, na dating pulis sa North Caloocan na nag-AWOL.

Narekober umano sa lugar ang ilang pakete ng hinihinalang droga na hindi pa matukoy ang dami at halaga ng pera.

May nakita ring isang improvised shotgun, at isang kalibre 38 na baril.

Hinihinala naman ng pulisya na may mas malaking tao sa pagtutulak at nagbabagsak ng drugo kay Nicdao.

Sinabi naman ng ilang kaanak ni Nicdao na tumangging humarap sa camera, ang pagkakaalam nila ay ilang buwan na siyang tumigil sa pagtutulak ng iligal na droga. -- FRJ, GMA News