6 na pares ng mag-asawa na mga tulak, sumuko; ang iba, may bitbit pang sanggol
Anim na pares ng mag-asawa ang kabilang sa mga umano'y tulak at gumagamit ng iligal na droga na sumuko sa mga awtoridad.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News 24 Oras nitong Sabado, sinabing nagtungo sa Station 6 ng Quezon City Police District sa barangay Batasan, ang anim na pares ng mag-asawa para sumuko.
Ang isang pares ng mga sumuko, sinabing gusto na raw nilang talikuran ang pagtutulak ng droga at magbago para sa kanilang anak.
Aminado rin ang lalaki na natatakot siyang mapatay kung patuloy na magtutulak ng droga.
Dala pa ng ilan sa mga sumuko ang kanilang mga sanggol na anak.
Karamihan sa mga sumuko ay residente ng barangay Batasan, Commonwealth at Payatas.
Samantala sa San Mateo, Rizal, tuloy-tuloy din ang kampanya kontra droga kung saan walong drug pusher ang naaresto sa magkakahiwalay na lugar sa barangay Banaba nitong nakaraang linggo.
Pito namang hinihinalang drug pusher na naaktuhang nagbabalot umano ng shabu ang nanlaban sa mga aworidad.
Tatlo sa mga ito ang napatay matapos manlaban daw sa mga awtoridad, at apat sa kanila ang arestado.
Mahigit 30 pang drug pusher umano ang sumuko sa pulisya nitong Biyernes, at dinala sila sa kapitolyo ng Rizal.
Nasa 1,000 pa umanong drug user at pusher ang sumuko sa lalawigan. -- FRJ, GMA News