Inilakong shampoo sa bahay-bahay sa Quezon City, peke pala
Mag-ingat sa mga nagpapanggap na ahente at naglalako ng mga produkto na sobrang mura ang halaga. Sa Quezon City, isang pamilya ang namakyaw ng shampoo pero laking dismaya nila nang matuklasan na tila panis na gawgaw o lugaw ang laman.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Sabado, sinabi ni Vivian Perez na nabili niya sa dalawang nagpakilalang ahente ang shampoo na nakalagay sa kahon kasama pa ang ibang personal care product sa halagang P1,500.00.
Nagkagulo raw ang iba pang residente nang malaman ang murang presyo ng mga produkto dahil aabot daw sa P5,000.00 ang halaga ng mga ito kung sa supermarket bibilhin.
Nang gamitin niya ang nabiling shampoo, sa simula ay mabango naman daw ito pero kinalaunan ay umalingaw na ang mabahong amoy.
Ipina-blotter na umano ni Perez sa barangay ang insidente.
Ang kumpanya na may-ari ng brand ng shampoo na ginamit sa panloloko, nilinaw na hindi sila nagpapalako ng kanilang produkto sa mga bahay.
Tanging sa mga supermarket at grocery stores lang umano inilalako ang kanilang produkto.
Sinisikap pang kunan ng pahayag ang Department of Trade Industry hinggil sa insidente.
Pero nauna na nilang ipinaalala sa publiko na maging alerto sa mga iniaalok na produkto lalo na kung sobrang mura ng presyo nito.
Kung may mga reklamo, maaari rin umanong dumulog sa DTI public assistance desk. -- FRJ, GMA News