ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking nagpakita ng 'private part' sa babaeng estudyante habang nasa jeep, nadakip


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nadakip ng mga awtoridad ang isang lalaki na ilang ulit na raw nagpakita ng kaniyang maselang bahagi ng katawan sa isang estudyanteng babae na nakakasabay niya sa pampasaherong jeepney sa Maynila.

Sa ulat ng GMA News TV's "QRT,"  sinabing nadakip si Joel Curay, 37-anyos, residente ng Caloocan City, matapos na makasabay na naman niya sa jeep nitong Biyernes ng umaga ang estudyanteng itinago sa pangalang Tina.

Bago nito, nakunan ni Tina ng video sa cellphone ang ginawang pagpapakita ni Curay ng maselang bahagi ng katawan noong June 24 habang sakay sila ng jeepney na may biyaheng Tayuman-España, Maynila.

Pero noong unang insidente raw na nagpakita ng kalaswaan si Curay sa jeepney, hindi niya ito nakunan ng video dahil sa takot.

Matapos ang ikalawang insidente na may kuha na siya ng video, kaagad niya itong inireport sa pulisya.

At nitong Biyernes, muling nakasakay ni "Tina" sa jeepney si Curay at bumaba pa ito sa lugar kung saan din siya bumaba.

Dito na humingi ng tulong sa mga awtoridad si Tina at nadakip ang lalaki sa tulong ng mga opisyal ng barangay at pulisya.

Ayon sa ulat, hindi naman itinanggi ni Curay ang kasalanan at idinahilan na mayroon lang siyang personal na problema.

Nais daw niyang makaharap ang biktima para humingi ng tawad pero tumanggi si Tina.

Nakatakdang sampahan ng reklamong unjust vexation si Curay. -- FRJ, GMA News

Tags: hulicam