ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 sakay ng kotse, patay sa ambush sa Macapagal Blvd sa Pasay City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sumampa sa center island ng Macapagal Blvd sa Pasay City ang isang kotse matapos pagbabarilin ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo nitong Martes ng gabi. Ang driver at isang sakay ng kotse, nasawi.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's Balitanghali nitong Miyerkules, ipinakita ang kuha sa cellphone video ilang minuto matapos mangyari ang pananambang.

Nakalabas mula sa kotse na sumampa sa center island ang isa sa apat na sakay nito.

Sugatan siya na kaagad namang nilapitan ng mga tao para saklolohan.

Nakilala ang sugatang biktima na si Kate Monica Hong.

Bahagya ring nasugatan ang kasama niyang limang-taong-gulang na bata.

Hindi naman pinalad at nasawi ang driver ng kotse na si Mark Neil Alisasis, at binawian din ng buhay sa ospital ang kasambahay na si Adelfa Dava.

Ayon sa isang saksi, pitong putok ng baril ang kanilang narinig.

Dalawang lalaki umano na sakay ng motorsiklo ang nagsagawa ng pananambang.

Nakuha sa crime scene ang pitong basyo ng caliber 45, at may nakuha rin ang mga pulis na caliber 45 na pagmamay-ari ng driver ng kotse.

Base sa inisyal na impormasyon ng pulisya, naiwan sa isang restaurant ang ama ng batang pasahero.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen at titingnan din ang mga CCTV footage sa lugar. -- FRJ, GMA News

Tags: ambush, crime