Pagtapon sa salvage victim, nahuli-cam sa Maynila
Nakunan sa closed-circuit-television camera sa Maynila ang ginawang pagtapon sa isang biktima ng summary execution na inilagay sa sako. Ang tricycle na pinagsakyan sa biktima, nabundol pa ng taxi habang papatakas.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News 24 Oras nitong Sabado, ipinakita ang CCTV footage kung saan nahagip ng camera ang paglaglag mula sa tricycle ng isang sako sa Taft Avenue corner Pedro Gil dakong 3:00 a.m.
Habang papaalis ang tricycle, nabundol pa ito ng isang taxi at nalaglag pa ang isang sakay.
Pero umarangkada pa rin ang tricycle at humabol ang nalaglag na sakay kaya sila nakatakas.
Nang suriin ang iniwan nilang sako, nakita ang bangkay ng lalaki na may karton sa tabi na may nakasulat na, "talamak na user/salisi wag tularan, kayo na susunod."
Nakagapos ang mga kamay ng bangkay at nakatakip ng plastik ang mukha.
Inaalam pa sa ngayon ng mga pulis kung ano papaano pinaslang at katauhan ng biktima.
Iimbestigahan din kung sino ang mga tanong nag-iwan sa bangkay.
Samantala, isang bangkay din ng lalaki na may balot ng packaging tape ang mukha at nakatali ang kamay at paa sa likod ang nakita sa Binangonan diversion road sa Rizal.
Nang siniyasat ng mga awtoridad ang biktima, nakitang tadtad ito ng saksak ang katawan. -- FRJ, GMA News