Lalaking nauna nang sumuko kaugnay ng 'Oplan Tokhang,' nakitang patay
Patuloy na nadaragdagan ang mga napapatay na may kaugnayan sa usapin ng iligal na droga. Sa Muntinlupa City, binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang salarin ang isa umanong tulak ng droga na una nang sumusuko sa mga awtoridad.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing nakita ang bangkay ng lalaking tinawag na alyas "Baka," sa madilim at madamong bahagi sa barangay Tunasan, nitong Lunes ng gabi.
Bago nito, sinabi ng opisyal ng barangay na kasusuko pa lang ni alyas Baka dahil na rin sa mga alegasyon na isa itong tulak ng iligal na droga.
Ang pagsuko ni alyas Baka ay kaugnay sa kampanya ng pulisya na Oplan Tokhang upang kumbinsihin ang mga nagtutulak at gumagamit ng bawal na gamot na magbagong-buhay.
Sa pagsisiyasat ng imbestigador sa pinangyarihan ng krimen, isang tama ng bala sa tagiliran ang ikinamatay ni alyas Baka.
Isang basyo rin ng bala ng 9mm na baril ang nakuha sa crime scene.
Hindi pa tukoy kung sino ang bumaril sa biktima.
Samantala, napatay naman sa buy bust operation ang hinihinalang drug pusher na si alyas "Jojo," matapos na manlaban daw sa mga pulis sa barangay Sta. Cruz sa Antipolo City nitong Martes ng madaling araw.
Nakatunog umano ang suspek sa operasyon ng mga pulisya kaya nagpaputok ito ng baril, at gumanti ng putok ang mga awtoridad.
Aalamin din ng pulisya kung sangkot sa gun for hire si alyas Jojo dahil bukod sa baril at ilang sachet ng hinihinalang shabu, may nakita rin sa kaniyang papel na may larawan ng isang lalaki. -- FRJ, GMA News