ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Maraming drug lords mapapatay sa darating na mga araw — PNP chief


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sinisiguro ni Philippine National Police chief Director General Ronald dela Rosa nitong Biyernes na marami pa umanong high-value drug suspects ang mamamatay sa darating na mga araw.

Sinabi ito ni Dela Rosa matapos mapatay sa raid sa Valenzuela City maaga nitong Biyernes ang Chinese na si Mico Tan, isa umano sa top drug lords sa bansa.

"...Palagi tayong kini-criticize na ... street pushers lang daw ang namamatay. Ngayon ito na, nakita ninyo, malaking drug lord—patay rin, 'di ba?" pahayag ni Dela Rosa sa panayam sa telebisyon.

"Huwag kayong magmadali at marami pa tayong mapapatay diyan na high-value target. Hintayin lang ninyo," ayon kay Dela Rosa.

Aniya, malaking drug personality si Tan na walong taon nang nag-o-operate sa bansa.

"Very big, very big. He must be operating here in the Philippines around eight years already. He was responsible for that shabu laboratory in Metro Manila. Ngayon patuloy pa rin ang kanyang ginagawa," dagdag ni Dela Rosa.

Kauna-unahan umanong drug lord si Tan mula sa mainland China, pero pangalawa lamang siya kay Jaguar kung lawak ng operasyon sa buong Pilipinas ang pag-uusapan.

Paiimbestigahan ni Dela Rosa ang mga aktibidad ni Tan at kung bakit mayroong saku-sakong mga ilegal na kemikal sa kanyang warehouse sa Valenzuela.

Napatay si Tan nitong Biyernes habang nakipaghabulan at nakipagbarilan sa mga pulis.

Samantala, aabot na umano sa 200 na drug suspects ang napatay sa anti-illegal drug operations ng PNP sa unang tatlong linggo lamang nitong Hulyo, ayon sa pamunuan ng PNP.

Sa summary report na inihayag ng Camp Crame,  194 drug suspects ang napatay mula July 1 hanggang 19. —LBG, GMA News