Babaeng sangkot daw sa droga, patay sa pamamaril sa Pangasinan
Inilayo raw muna ng salarin ang mga anak ng isang babae sa Urdaneta City sa Pangasinan bago siya binaril nang malapitan. Ang biktima, dawit daw sa iligal na droga.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang biktimang si Lourdes Panlilio kasama ang tatlong anak sa barangay Casantaan sa Urdaneta City nang barilin ito mga lalaking naka-motorsiklo.
Kinausap pa umano ng mga salarin ang biktima at inilayo ang mga bata bago naganap ang pamamaril.
"Siya lang naman. Kasi akay-akay pa niya mga bata, pero hinaplos-haplos pa ang mga bata at inilalayo dun sa kwan, then binaril na po," ayon kay P/C Insp. Lauro Escobar, Deputy Chief, Urdaneta City Police.
Hindi naman nasaktan ang tatlong anak ng biktima.
Ayon sa pulisya ay nasa top 6 priority target list dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.
Pero ang mga kaanak ng biktima, hindi tiyak kung sangkot si Panlilio sa iligal na droga.
Naniniwala naman ang pulisya na may ibang grupo na sumasakay sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga para ang mga awtoridad ang isisi ang mga ginagawang pagpatay.
Sa bayan ng Calasiao, binaril din at napatay ng mga hindi nakilalang salarin na sakay ng motorsiklo ang tricycle driver na si Rechel Agpoon.
Ayon sa pulisya, nasa waiting shed si Agpoon nang barilin sa ulo ng mga salarin.
Nasa drugs watchlist din umano ng pulisya si Agpoon. -- FRJ, GMA News