ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
'SURRENDER OR DIE'

Alkalde ng Albuera, Leyte, inaming sangkot sa drug trade ang anak


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inamin ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na sangkot sa illegal drug trade ang kaniyang anak na si Kerwin, na kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya.

Babala ni Philippine National Police chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa sa nakababatang Espinosa, "...you better surrender or die."

Ginawa ni Mayor Espinosa ang pag-amin nang iharap siya sa media ni Dela Rosa nitong Martes matapos itong "sumuko."

"Yung Kerwin, kung nandito sa Pilipinas, you better surrender or die," babala ni Dela Rosa.

Ayon sa hepe ng PNP, wala pang kaso isasampa kay Mayor Espinosa pero nais daw nitong mapasailalim sa pangangalaga ng pulisya para maprotektahan ang kaniyang buhay.

"Inaamin niya (mayor Espinosa) na ang kanyang anak is really into drug dealing," ani Dela Rosa. "Sabi niya, hindi niya ma-control ang kanyang anak,"

Batay umano sa inamin ni Espinosa, sinabi ni Dela Rosa na nakukuha ni Kerwin ang droga mula kay Peter Co na nakapiit ngayon sa New Bilibid Prisons (NBP).

Isa si Co sa mga pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pangunahing drug lord umano sa bansa, kasama sina Peter Lim at Herbert Colangco, na nakabilanggo rin sa NBP.

Nangako si Espinosa na ibibigay sa Criminal Investigation and Detection Group tungkol ang mga impormasyon na nalalaman niya sa transaksyon ng anak na si Kerwin. — FRJ, GMA News

Tags: illegaldrugs