ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
1, PATAY

Engkwentro ng pulis vs 'riding in trio,' nahuli-cam sa Maynila


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nauwi sa barilan ang pagsita ng isang pulis sa tatlong lalaki na hinihinalang mga holdaper na nakasakay sa isang motorsiklo sa Malate, Maynila. Isa mga suspek ang napatay, habang nakatakas naman ang dalawa.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, ipinakita ang kuha sa CCTV camera sa ginawang pagpapatigil ni C/Insp. Paul Sabulao, commander ng Adritico PCP, sa tatlong lalaking nakasakay sa motorsiklo sa Singalong corner Aragon Street sa Malate, dakong 5:00 p.m.

Bukod kasi sa magkakasama sila sa isang motorsiklo, walang helmet ang dalawang nakaangkas at mapapansin na may takip ang kanilang mukha at may sumbrero.

Pero habang papalapit si Sabulao, mapapansin sa CCTV na may binunot ang isa sa mga lalaki na baril pala.

Nang makita ng pulis na armado ang mga lalaki, binaril niya agad ang isa sa binti at mabilis na humarurot ang motorsiklo.

Nalaglag ang isa sa mga salarin at nagpaputok pa umano ang mga ito sa pulis kaya nagkaroon na ng engkwentro.

Napatay ang isa sa mga lalaki, habang makikita naman sa CCTV ang paghabol ng isang sugatang suspek sa kasamahang nagmamaneho ng motorsiklo hanggang sa tuluyan silang nakatakas.

Hinabol pa sila ng mga pulis pero hindi na sila inabutan.

Nakuha sa napatay na lalaki na may tattoo sa leeg na "Reyes" ang isang 9mm na baril.

Patuloy namang hinahanap ang dalawang nakatakas. -- FRJ, GMA News

Tags: hulicam