Ama na suspek sa pagpatay sa kaniyang mag-ina sa Laguna, lusot sa kaso
Ibinasura ng piskalya ang kasong "parricide" na isinampa laban sa isang ama na inakusahang utak sa pagpatay sa kaniyang asawa at anak sa Sta. Rosa, Laguna noong Marso.
Sa 14-na pahinang resolusyon ni Deputy City Prosecutor Oscar Co, nakasaad na walang sapat na ebidensiya para kasuhan si Ricardo Espera Sta. Ana Jr., sa pagkamatay ng kaniyang asawa na si Pearl Helene Sta. Ana at isang-taong-gulang na anak na si Denzel.
Inirekomenda naman ng piskalya na sampahan ng kasong pagpatay, panghahalay, at pagnanakaw laban kina Ramoncito Galo at isang alyas Bryan, na nagpanggap umanong internet repairmen na pumasok sa bahay ng mga Sta. Ana.
Una rito, sumuko ang 25-anyos na si Galo at sinabing inupahan sila ni Ricardo para patayin ang kaniyang mag-ina dahil daw sa selos.
Tumanggap umano sila ni Bryan ng tig-P30,000 mula kay Ricardo.
BASAHIN: Mag-ina sa Sta. Rosa, Laguna, sadyang ipinapatay daw ng 'mastermind' sa krimen
"In view of the extant circumstances surrounding the execution of the written confession of Ramoncito detailing his participation and involvement in the commission of the crime, we are inclined to uphold the admissibility of his extrajudicial confession insofar as he and Bryan are concerned," ayon sa piskal.
Idinagdag sa resolusyon na hindi sapat ang umano'y pagkakadiskubre ni Ricardo na nagtataksil ang asawa nito para ipagawa ang karumal-dumal na krimen.
"While such knowledge of the said relationship may fan the embers of suspicion against Ricardo to commit the crime, speculation such as this cannot be the basis of a criminal prosecution," paliwanag ng piskal. —FRJ, GMA News